Ombudsman binigyan sina Ex-Pres. Aquino, Purisima at Napeñas ng 5 araw para iapela ang kaso.
Binigyan ng Office of the Ombudsman si dating Pangulong Noynoy Aquino at dalawang dating opisyal ng PNP ng limang araw para magsumite ng motion for reconsideration kaugnay sa kinakaharap na kaso hinggil sa Mamasapano incident na ikinamatay ng 44 na miyembro ng PNP-Special Action Force.
Sinabi ni Atty. Mary Rawnsle Lopez, acting director ng Office of the Ombudsman public information office, may hanggang Miyerkules, July 19 sina Aquino, dating Philippine National Police chief Alan Purisima at dating Special Action Force Director Getulio Napeñas para iapela ang resolusyon ng Ombudsman.
Ayon kay Atty. Lopez, pag-aaralan ng Ombudsman ang kanilang mga mosyon bago ituloy ang pagsasampa ng mga inirekomendang kaso.
Sakaling mabigo ang mga akusado na maghain ng motion for reconsideration, diretso na ang Ombudsman sa pagsasampa ng kaso. Kahapon, iniutos na ni Ombudsman Conchita Carpio Morales ang pagsasampa ng kasong kriminal laban kina Aquino, Purisima at Napeñas kaugnay sa kanilang partisipasyon sa operasyon laban kay international terrorist Zulkifli Bin Hir alias Marwan na nauwi sa masaker ng mga commandos.
Batay sa Ombudsman resolution, ang tatlong akusado ay kakasuhan ng usurpation of authority sa ilalim ng Article 177 ng Revised Penal Code at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Post a Comment