Header Ads

Martial Law palalawigin hangga't maubos ang terorista sa Marawi - Duterte

Ipinapaubaya na umano ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pulis at militar ang pagsasagawa ng assessment kaugnay sa sitwasyon sa Marawi City at sa buong Mindanao.



Sinabi ni Pangulong Duterte, ang rekomendasyon ng mga ground commanders ay magiging batayan niya kung babawiin na o palalawigin pa ng panibagong 60 araw ang Martial Law sa rehiyon.

Ayon sa Pangulong Duterte, hangga’t may natitirang terorista sa Marawi, magpapatuloy ang operasyon ng militar at pag-iral ng Batas Militar. 

Sa naunang mensahe ng pangulo sa mga taga-Mindanao, nagpahiwatig na itong mananatili pa ang Martial Law para sa kanilang kaligtasan at seguridad. Magugunitang iginiit ni Pangulong Duterte na hindi pwedeng sa Marawi lamang iiral ang Martial Law kundi dapat sa buong Mindanao para maiwasan ang pagkalat ng karahasan. “That is why months before, I was telling you, I’m warning the nation: Do not force my hand into it because if I will declare martial law, tatapusin talaga natin ‘to. For as long as there is one terrorist diyan sa Marawi na ‘yan, hindi hihinto ‘yan,” ani Pangulong Duterte. 

Samantala, posibleng irekomenda ng PNP at AFP na palawigin pa ang pinaiiral na martial law sa buong rehiyon ng Min­danao. Sinabi ni PNP Chief P/Director Gen. Ronald dela Rosa na nag-usap na sila ni AFP Chief of Staff Gen. Eduardo Año sa posibleng pagpapalawig pa ng martial law sa rehiyon upang bigyang proteksyon ang rehabilitation phase ng lungsod ng Marawi. “Mahirap namang nagpapanday ka doon ay may putok-putok pa na nangyayari di ba, para safe ang mag-rehabilitate, i-extend muna ang martial law para maganda ang kalabasan ng reconstruction, rebuilding of Marawi,” anang PNP chief.

No comments

Powered by Blogger.